Kolonyal na Patakaran sa Edukasyon

October 24, 2007 at 1:35 am (Feature, Re-posted)

Ipinatupad simula ngayong pasukan sa lahat ng paaralang elementarya at hayskul ang Executive Order No. 210 ng Malacañang na nagtatakda ng paggamit ng Ingles bilang medium of instruction o wika sa pagtuturo.

Alinsunod sa EO 210, simula Grade 1 ay ituturo ang Ingles bilang ikalawang lenggwahe. Pero simula Grade 3 ay ito na ang siyang pangunahing wikang gagamitin sa pagtuturo ng matematika at mga subject na may kinalaman sa agham at kalusugan, bukod sa pagtuturo mismo ng English. Ito na rin ang gagamiting pangunahing wika sa pagtuturo sa lahat ng hayskul, pribado man o pampubliko. Ibig sabihin, Ingles ang dapat umanong gamitin sa di bababa sa 70% ng kabuuang panahon sa pagtuturo ng lahat ng aralin.

Isang petisyon laban sa EO 210 ang isinampa ng Coalition for a Correct Language Policy (CCLP) sa Korte Suprema. Ang koalisyon ay kinakatawan nina Dr. Patricia Licuanan, presidente ng Miriam College; mga National Artist for Literature na sina Bienvenido Lumbera at Virgilio Almario; Randolf David, isang propesor sa University of the Philippines; Isagani R. Cruz, kritiko at presidente ng WIKA Inc.; at Efren Abueg, isang premyadong manunulat. Pumirma rin sa petisyon ang iba pang batikang manunulat at guro.

Sinasalamin ng CCLP ang patriyotikong pagtutol sa EO 210. Ayon sa CCLP, sasagka ito sa kakayahang matuto ng mga mag-aaral. Tinukoy nito ang resulta ng mga pananaliksik na ginawa ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na nagpapakitang mas mabilis matutong magbasa, magkwenta at umunlad sa pag-iisip ang mga bata kapag ang ginagamit sa pagtuturo ay ang kanilang wikang kinagisnan.

Kinukumpirma ito ng karanasan ng Summer Institute of Linguistics sa Bukidnon. Ang mas matataas na gradong nakukuha ng mga batang katutubo rito sa mga pagsusulit sa literasiya at numerasiya ay patunay na mas madali silang natututo gamit ang lokal na wika sa pagtuturo.

Sa kalagayang hindi ginagamit ang Ingles sa kanilang pang-araw-araw na buhay, mahihirapang matuto ang mga mag-aaral sa elementarya at hayskul kung ito ang pangunahing gagamitin sa pagtuturo. Kadalasan ay mabilis na nawawala ang anumang kaalaman sa pagbabasa at pagsusulat kapag itinuro ito sa wikang Ingles. Palalalain ng EO 210 ang dati nang suliranin sa mapurol na gagap sa syensya at matematika ng mga Pilipinong mag-aaral. Ayon sa sarbey ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) nitong 2003, sa 45 bansa ay pang-41 ang mga mag-aaral ng hayskul sa Pilipinas sa kaalaman sa matematika. Pang-42 naman sila sa kaalaman sa syensya.

Ayon sa koalisyon, labag din ang EO 210 sa konstitusyon na nagtatakdang pambansang wika ang Pilipino at siyang gagamitin sa pagtuturo sa buong sistemang pang-edukasyon. Taliwas din ang EO 210 sa rekomendasyon ng Congressional Commission on Education (EDCOM) noong 1991 na gamitin ang Pilipino at ang lokal na wika sa pagtuturo ng batayang edukasyon. Inatasan ng EDCOM ang Department of Education (DepEd) noong 1991 na magbalangkas ng mga libro at iba pang materyales sa pagtuturo na nasusulat sa wikang Pilipino. Lahat ng subject sa elementarya at hayskul, maliban sa English at iba pang pinag-aaralang lenggwahe, ay dapat nang ituro sa wikang Pilipino pagsapit ng taong 2000, ayon sa EDCOM.

Ipagkakait din ng EO 210 sa mas maraming mamamayan ang karapatang matuto at maging bihasa sa pambansang wika. Lalo lamang nitong palalakasin ang neokolonyal na sistema ng edukasyon sa Pilipinas na nagsisilbi pangunahin sa interes ng mga dayuhan at nagpapanatiling mahirap at atrasado sa bansa. “Hindi Ingles ang solusyon sa kahirapan sa bansa. Bagkus, maaaring isa pa nga ito sa mga nagpapalala ng kahirapan ng mga karaniwang masang Pilipino,” ayon sa mga tumututol sa EO 210.

Sa kabila ng mga syentipikong ebidensyang nagpapakita ng mga pinsalang idudulot ng bagong kautusan sa mga mag-aaral at sa kabila ng mga batas at aksyon ng Kongreso na taliwas dito, ipinipilit pa rin ng Malacañang ang EO 210. Dahil ito sa tulak ng isang bagay na di hamak na mas mahalaga sa rehimen kaysa sa pagkatuto ng mga Pilipinong mag-aaral: ang milyun-milyong dolyar na kikitain ng bangkaroteng gubyerno mula sa mga remitans ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa at mga puhunan ng maraming call center na nagsusulputan ngayon sa Pilipinas. Nadismaya raw si Gloria Arroyo nang mapag-alaman niyang wala pang 5% ng mga aplikante sa mga call center ang natatanggap dahil sa kahinaan ng karamihan sa Ingles. Kailangan aniyang tugunan ang pangangailangan ng mga call center at iba pang mga dayuhang kumpanya ng mga Pilipino na mahusay magsalita ng Ingles.

Sa katuus-tuusan, tanging ang pambansa-demokratikong patakaran ng sistematikong pagtataguyod ng pambansang wika at panitikan, kasabay ng pagpapayaman ng iba pang lokal na lenggwahe at paggamit pangunahin ng sariling wika maging sa pag-aaral ng syensya at teknolohiya, ang titiyak na natututunan ng mga mag-aaral ang kaalamang makapagbibigay sa kanila ng kakayahang makapag-ambag sa pagpapaunlad ng pambansang ekonomya at lipunang Pilipino.

[Ang artikulong ito’y muling ipinost sa aking sayt. Hindi lantad (anonymous) ang awtor nito.]

Leave a comment